20.10.09

"laruan"

"tay sige na po... dag-dagan niyo naman tong baon ko.." pinipilit ko si itay na dag-dagan niya ng kahit tatlong piso pa ang limang pisong baon na iniabot niya sa akin. nakita kong sumimangot na siya. halatang hindi nagustuhan ang pangungulit ko.


"pwede ba betang, tigilan mo ko ha! kita mong minamalas na ko dito sa tong-its e! lumayas ka na nga dyan sa harap ko!"


pinili kong umalis na lamang bago pa hubarin ni itay ang alpombra niyang tsinelas at ipalo sa mukha ko, tulad ng lagi niyang ginagawa. hindi ako pwedeng pumasok ng may latay sa mukha ngayon. awarding kasi ng Spelling Bee. napanalunan ko yung first place. hindi alam nina inay at itay yun. pagagalitan lang nila ako. ang alam kasi nila nagtinda ako ng basahan kahapon. sayang, kasi walang cash prize yung Spelling Bee, eh di sana hindi ko na kailangan magpadagdag ng pera kay itay para sa baon ko. ang totoo, gusto kong bilihin yung nakita kong laruan sa palengke. ang ganda kasi niya eh. ang kintab ng buhok ng manikang nakita ko. maganda rin yung inuupuan niyang de-tulak ng upuan. isandaan at limampung piso ang halaga nito at sa araw araw kong pag-iipon at pag-pigil sa pagkain sa recess, malapit ko na itong mabuo upang mabili ang laruang iyon.


matagal. matagal kong pinag-ipunan ang laruan na gusto ko. pilit kong kinakaibigan ang tindera sa palengke upang pumayag siyang huwag munang ibenta ang laruan dahil nga pinagiipunan ko.


sa wakas, bente pesos nalang. mabibili ko na siya.


"betaaaaaaang!!" si inay yun, mukhang lasing na naman si inay. baligtad yata. sa pagkakaalam ko, sa mga pelikula, dapat ang tatay ang lasenggo at ang nanay ang sugalera. pero sa buhay ko hindi.


"betaaaaaaang! ano ba!"
"opo, andito na po! ano po ba yun 'nay?"
"ipangutang mo nga ako ng gin dyan kina aling rosa!"
"pero nay, ang laki na po ng uta--"
aba't! sabihin mong magbabayad ka naman kamo kapag naka-benta ka na ng basahan bukas eh. asan nga pala yung kinita mo kahapon? punyeta kang bata ka ah, wala ka naman binigay sa akin kahapon ah?"
"eh, nay, kasi po," hindi pwedeng malaman niinay na hindi ako nagbenta ng basahan bagkus ay sumali ako sa Spelling Bee. "nay, hindi po ako nakabenta ng basahan eh, wala po kasing masyadong bumili na mga driver. may strike yata kahapon, parang walang masyadong bumyahe."
mukhang nakumbinsi ko naman si inay, palibhasa hindi siya nanonood ng balita.
"hhmm, siya sige na, iutang mo na ako kina aling rosa ng gin. sabihin mo, magbebenta ka ng basahan mamaya, babayaran mo nalang."


lumakad na ako. pag-dating ko sa tindahan ni aling rosa, halos alam kong alam niya na kung anong uutangin ko.
"ano ba naman yang nanay mo betang? kebata-bata mo pa eh, sa iyo na nila inaasa pati pambisyo nila. ilang taon ka na nga ba?"
"sampu po." magalang kong sagot. "aling rosa, pautang naman ho ng gin bilog. babayaran ko rin ho mamaya pag kumita ako sa pagtinda ng basahan."


natapos ang araw ko na mayroon akong kaunting kinita. gabi na nang makauwi ako sa aming barong barong na nasa gilid ng riles ng tren. ang aking libangan bukod sa paga-aral, ay ang umupo sa tapat ng bahay namin at mag-hintay ng tren na daraan. musika sa aking pandinig ang tunog ng maingay nitong makina. ang usok nito ay ang aking pampatulog. maya-maya pa..


toot-tooooot!! tsug tsug tsug..


andyan na naman ang tren, huling byahe na nito para ngayong araw.


KINABUKASAN.


"nay, magkape na po muna kayo. heto na po ang kinita ko kahapon. hindi ko na po muna babayaran yung utang sa tindahan dahil kulang din naman po itong pera."
"tamang-tama, nagyaya si bong ng tong-its--"
"oy-oy-oy! anong tong-its? kulang pa nga itong pambili ng aking alak ah? hati nalang tayo." sinabatan ni inay ang sinasabi ni itay. maya-maya pa, yumakap na si itay kay itay at hinalk-halikan ang leeg nito. naririnig ko na naman ang makamundong tawa nilang dalawa. minsan hindi ko alam kung dapat ba akong madiri o takpan ko nalang ang tenga ko at isiping natural lamang iyon dahil mag-asawa naman sila. dahan-dahan akong lumabas ng pinto. ang "hihihi" ni inay ay tila mala-demonyong tawang "bwahaha" sa aking pandinig.


"kuya, basahan! bili ka na, sige na, kuya ambo, malapit ko nang mabuo yung perang pambili ko ng laruan. kaya sige na bili na." lambing ko sa mamang driver na naging malapit ko na ring kaibigan.
"ikaw naman kasi, ayaw mo pa tanggapin nalang ang perang inaabot ko eh, eh di sana unang araw mo palang nakita yung laruan, nabili mo na agad, hindi ka na inabot ng buwan sa pag-ipon."
"kuya ambo, alam niyo naman na mas gusto kong mabili yung laruan dahil pinag-ipunan ko talaga eh diba?"
"hhmmn, siya sige, pagbilhan mo nga ako ng bente pesos na basahan." binigyan ko siya ng basahan na tinda ko. kinuha niya iyon at tulad ng dati humarurot ang kanyang puting jeep na may larawan ni Jesus sa magka-bilang gilig. at tulad ng dati, bigla na lamang itong nawala sa aking paningin, hindi ko alam kung dahil ba sa bilis ng pag-andar nito o natabunan na siya ng iba pang jeep.


SA WAKAS! mabibili ko na ang laruan. hawak ko na ang pera at iniaabot sa aleng nagtitinda.
nang iabot niya sa akin ang plastik ng laruan, tuwang tuwa ako. para akong nasa langit. sa wakas. ang saya ko talaga. damang dama ko iyon dahil talagang pinag-ipunan ko ang paruang ito. tulak-tulak ko ang laruan habang pa-uwi ako sa aming munting barong-barong. alam kong maaaring magalit sina inay at itay sa ginawa kong pag-bili ng laruang ito, pero malay ko ba? baka maging proud sila sa akin dahil marunong na akong mag-ipon para sa isang bagay na gusto ko diba?


"punyeta ka talagan lalaki ka!kinuha mo na naman yung pangbili ko ng gin! anong napala mo? natalo ka na naman diba?"
"gaga ka pala eh, buti nga ako eh, nagsusugal lang, malay natin kuing manalo ako diba? eh ikaw? inom ka ng inom! napupunta lang sa wala yang gin na yan! nasaan na? diba itinae mo lang?"


aktong sasapakin na ni itay si inay nang parehong mapako sa pinto ang mga mata nila. sa akin at sa laruan ko.


"aba't! punyeta kang bata ka! san mo nakuha yang laruan na yan? ha?! kaya ba ngayon ka lang umuwi eh dahil abalang abala ka sa paglalaro sa bwisit na bagay na yan?" sigaw ni inay, ewan ko kung galit ba talaga sa akin o para lang maka-iwas sa kamay ni itay.
"pinag-ipunan ko po ito inay, yung mga baon pong inia-abot ni itay sa akin at yung kaunting barya pong natitira sa pinag-bentahan ko ng basahan ang pinambi--" hindi ko na natapos ang sinasabi ko, hinablot ni itay ang laruan ko at ihinampas sa akin.
"suwail ka talaga! ibig sabihiin, mas inuna mo pang bumili ng basurang ito kesa ang ibigay sa amin ng inay mo ang pera. bakit? anong pinagmamalaki mo ha? kaya mo na ba mag-isa?!?"
impit na iyak na lamang ang nagawa ko dahil sa sama ng loob. nasira ang laruang pinag-ipunan ko dahil sa paghampas dito ni itay sa katawan ko. nakatingin lang si inay, halatang natutuwa dahil sa akin naman nabaling ang galit ni itay.
"suwail ka! lintik kang bata ka, makikita mo! itong laruan na ito? ha? kung binigay mo nalang sana sa amin ng inay mo ang pera, eh di sana nakabili pa tayo ng bigas!" si itay ulit.
"itay, gustong gusto ko po talaga ng laruan na yan eh. patawarin niyo na po ako itay. parang awa niyo na po, akina po yan itay. akina po yan!" iyak na ako ng iyak. "pinag-ipunan ko po iyan itay. parang awa niyo na po."
"alin? ito?" itinaas ni itay ang laruan sa ere, "o, eto, laruin mo sa kalye, pag hinabol mo to, wag ka na ring papasok sa bahay na to kahit kailan!!" sabay hagis sa aking laruan sa bintana.


kung anong bilis ng paglabas ng laruan sa bintana, ganun din kabilis ang takbo ko palabas ng pinto upang habulin ito. malabo na sa luha ang aking mga mata. ang aking mga tenga ay bingi na sa aking paghagulgol. masakit ang aking puso. masakit ang aking damdamin. hindi maipaliwanag ng sampung anyos kong pagi-isip kung anong kalseng magulang ba meron ako. hindi ako masamang anak ngunit kung minsan naiisip ko, sana maaaring na lamang piliin ang magulang. masakit ang nararamdaman ko. yakap-yakap ko ang laruan kong nawasak ni itay. madumihan ito dahil lumapag sa putik na likha ng maliit na bungkal sa lupa na naipunan ng tubig ulan. nagsimula akong maglakad palayo. maya-maya pa'y...


mabilis ang mga pangyayari, narinig ko na lamang ang impit na tili ni inay at ng pag-tawag ni itay sa pangalan ko. isang nakasisilaw na liwanag ang tumama sa mukha ko. bukod pa roon ay ang matigas na bakal na ulo ng tren na sumalpok sa mura kong katawan. masakit. ngunit hindi ko ito masyadong maramdaman. wala nang hihigit pa sa sakit na nararamdaman ng isang anak na nalamang hindi siya importante para sa kanyang mga magulang. nahilo ako at pakiramdam ko, pinunit-punit ang katawan ko.


napaupo ako sa gilid ng tren. sa aking paanan ay ang aking wasak na laruan. agad ko itong kinuha upang sana ay yakapin ngunit may kakaiba sa laruang ito ngayon. balot ng dugo ang mukha ng manikang nakaupo sa upuang de-tulak. tumayo ako upang hanapin sina inay at itay. wala sila sa aming barong-barong. lumabas ako upang maghanap ngunit isang pulutong ng mga taong nagkakagulo ang aking namataan sa di kalayuan. pinilit kong makipagsik-sikan sa kanila at hindi naman ako nahirapan. sa gitna ng nagkakagulong mga tao, nakita ko ang aking inay at itay na luhaan ang mga mata. sa buong buhay ko, ngayon ko lang sila nakitang lumuha. napaluha na rin ako at dahan-dahang napayuko. sa aking pagyuko ay natamaan ng aking mga mata ang aking sarli sa kandungan ni inay, wala nang buhay.


unti-unting nagliwanag sa akin ang lahat. at sa reyalisasyong ito, gumuhit ang walang kasing tinding sakit sa aking puso. sayang, sa buong buhay ko, ngayon pa lang sana ako yayakapin ni inay at itay. sayang.


sinubukan kong pulutin ang laruan upang yakapin kahit na may bahid pa ito ng dugo ngunit hindi ko manlang ito mahawakan. bagkus, isang kamay ang humawak nito at dinala ang manika sa gitna ng nagkakagulong mga tao. napansin ito ni inay at nakita kong lalo siyang umiyak. niyakap nila ang laruan ng mahigpit tulad ng higpit ng yakap nila sa aking katawang lupa. bumalik ang may-ari ng kamay na nagdala ng laruan sa aking ina.


si kuya ambo.


ngunit may kakaiba sa itsura niya ngayon, hindi na siya katulad ng dati na marungis at amoy grasa. malinis na ang damit niya at may kung anong bagay ang nakakabit sa likod niya. inabot niya ang aking kamay at tinanong niya ako,


"masaya ka ba?"


hindi ko alam kung anong isasagot ko sa kanya. masaya ako dahil sa huling saglit ay nakita kong mahal din pala ako nina inay at itay subalit masakit para sa akin na kailangan pang humantong sa ganito ang lahat. masama ang loob ko sa kanila.


"ialis mo ang galit sa iyong dib-dib. walang puwang sa langit ang galit at sama ng loob. halika na betang. maraming laruan sa pupuntahan natin."


naenganyo ang mura kong isip at puso sa sinabi ni kuya ambo. nagtanong ang aking batang pagi-isip, "kuya ambo, may mga tren din po ba don?"


"oo.."


hindi ko alam kung paanong nagkaroon ng hagdan sa gitna ng riles ng tren ngunit habang unti-unti kaming umaakyat sa napaka-tarik na hagdan, nakikita ko na ang usok na dati ay aking pampatulog ay naging tila dagat ng puting ulap sa aming nilalakaran. naririnig ko rin ang awit na naging matagal ko ring naging paborito...


toot-toooot!! tsug-tsug-tsug-tsug..