inday, yan ang pangalan ng emoterang katulong at labandera ng dati kong teacher sa Science. masipag yan. minsan nga lang topakin. masyadong maraming hinihingi sa buhay. sabagay, dapat lang naman yun. mula naman yata kasi nung pinanganak yan si Inday eh, hindi pa yata nakatikim ng ginhawa sa buhay.
nung bata pa si Inday, kwento na nanay niya sa amin, 5 years old na daw siya pero gumagapang pa. sobrang pasaway daw ng emoterang Inday na to sa magulang niya. nung nagdalaga si Inday, kwento pa sa amin ni Ka Nora na nanay niya, napakaganda daw nito. pero dahil nga pitong buwan lang nung lumabas mula sa sinapupunan ng nanay niya, medyo may pagka-kulang kulang ang pang-unawa nito sa mundo. madali siyang mauto at mabola ng mga lalaking gustong maka-score sa kanya. kahit na maiitim at kulot, pandak at kulang-kulang, si Inday ay masasabi nating may malakas at kaakit-akit na KARISMA.
hindi ko alam kung ilang taong siya nung una siyang nagpa-bola. ang alam ko lang, yun ay ang panahon kung kailan uso na ang gawgaw at papel de hapon bilang pampaganda sa mukha. 1981 nung umibig siya sa bantay kalinisan ng Luneta Park o yung mga tinatawag na Janitor. ang sabi-sabi, eto, hindi ko alam kung kwentong barbero lang ha, pero yan din ang sinabi sa amin ni Ka Nora, sa Luneta Park daw nabuo yung panganay ni Inday na si Santy. dahil nga hindi pa naman siya handa sa pagiging ina, iniluwal niya ang bata sa mundo at iniwan niya ito sa pangangalaga ni Ka Nora at syempre ang super lola mo na may maliit na tindahan ng gulay ay naghinampo kasi nga busy siya. pero hindi niya rin natiis ang matinis na iyak ng sanggol na si Santy nga. inalagaan niya ang bata. matapos ang anim na taon, 1987 noon, ang sosyal at emoterang si Inday ay muling na-inlab.. sa kapit-bahay nilang lasenggo na si Junior. at syempre pa dahil hindi natakasan ni Mang Junior ang alindog at KARISMA ng pandak at negrang si Inday, nagbungang-araw ang kanilang mainit na hagikgikan sa dilim. nabuo ang isang maliit na negrang bata (dahil parehong negra ang mga magulang) na tinawag nilang Gina. muli, ganun din ang naging kapalaran ni Gina sa kamay ni Inday. iniwan na naman ang sanggol kay Ka Nora. si super lola ay malapit nang mapuno-- actually, napuno na siya. kaya lahat ng babasagin nilang pinggan ay lumipad sa ere sa pamamagitan ng black magic ni Ka Nora at humabol sa ulo ni Inday. swerte ang Inday dahil may anting-anting, hindi tinamaan at buti nalang nakatakbo na siya dahil muntik na rin siyang tamaan ng matinding AVADA KEDAVRA ni Ka Nora. sabi ni Ka Nora, sa takot daw niyang muling mabuntis si Inday, pinadala niya ito sa Taft Ave sa Maynila upang mangatulong sa pinsan niyang si Ka Rita na noon ay may boarding house pa para sa mga nag-aaral sa PNU. nagbusy-busyhan ang Inday noong mga panahon na iyon ngunit ewan niya raw ba kung bakit tila pinagtitripan siya ni Kupido at muli siyang tinamaan ng munti nitong palaso. nainlabmuli si Inday, taong 1988 noon. sa isang boarder ng kanyang Auntie Rita na noon ay nagaaral ng abogasya. ang kwentong barbero, naging close friends daw ang dalawa sa kabila ng kaibahan ng kanilang mga paguugali at gawi. syempre pa, nagbungang-araw na naman ang kanilang pagiibigan. ang problema, grumadweyt ang batang abogado at umalis ng boarding house nang hindi nalalaman na nabuntis niya si emoterang Inday at ang bata na si Julie Ann ay muli, iniwan sa kanyang super lola na ngarag na ngarag na sa pag-alaga sa dalawa pang batang iniwan ni Inday nung una. hanggang ngayon daw, ayon na rin sa mga anak at mga kapatid ni Inday-EMO, hindi pa rin alam nung batang abogado na nagka-anak siya sa longkatutz ng boarding house na tinirahan niya dati. ang galing. parang telenovela lang. ang alam ko, hinahanap nung bunso yung tatay niya pero ang clue lang na meron siya ay ang pangalan nito at ang karaniwang sinasabi ng mga nakakakilala sa lalaki na magkamukha daw silang dalawa; pareho daw mahaba ang baba nila at maputi silang dalawa. nung ipanganak ni Inday ang bunso niya sa Fabella Hosp., ipina-LIGATE na siyang tuluyan ng kapatid niya sa pinsan nilang doctor. para daw siguradong kahit mainlab pa siya ng maraming beses ay hindi na magbubunga. hellouer, kawawa naman si super lola noh?!?!
ganyan ka-exciting at spicy ang lablayp ni Inday emotera. actually, dahil hindi naman talaga kilala personally ng mga anak niya yung mga tatay nila, tinutukso sila lagi ng sarili nilang mga Tita at Tito na mga kapatid ni Inday. ganito: ANG TATAY NI SANTY AY SI JOSE RIZAL DAHIL SA LUNETA SIYA GINAWA. DAHIL ABOGADO NAMAN ANG TATAY NI JULIE ANN AT MAPUTI ITO, SI GRINGGO HONASAN DAW ANG TATAY NIYA. SAMANTALANG SI GINA, DAHIL MAITIM AT LAGING MAY DALANG ITAK ANG TATAY NIYANG LASENGGO, SI ANDRESS BONIFACIO DAW ITO. maswerte sila dahil mga kilalang tao ang mga ama nila at may pagka-celebrity itong si Inday. sa ngayon, nangangatulong pa rin siya at naglalabandera. kahit na anong awat ng anak niyang si Gina, ayaw niyang paawat sa pangangatulong. sabagay, masipag naman kasi talaga si Inday.
in fact, marami siyang talent.
kaya niyang pasarapin ang ulam na pinaghalo-halong malunggay at saluyot na nilahukan lang ng hibi. kaya niyang maglakad mula Baclaran hanggan Sucat Hi-way nang may dala dalang malaking bag ng mga damit niya (itong bag na 'to ay never naging absent kapag nandyan si Inday.. kambal niya ang bag na yon kahit san siya magpunta..) kaya rin niyang maglakwatsa nang ilang araw, walang uwian to ha, walang ligo-ligo, wisik lang solb na. kaya rin niyang tumawa ng tumawa at humalakhak ng humalakhak ng bukal sa puso kahit wala namang nakakatawa. kaya niyang magalit in an instant at ngumiti ulit sa loob lamang ng kalahating millisecond. kaya niyang ikuwento sayo kung anong nangyari sa May Bukas Pa sa buong linggo nitong episodes. kaya ka niyang hambalusin ng malakas sa loob lamang ng 1/4 millisecond lalo na kapag nasa kalye kayo. mabilis pa siya sa alas-kwatro kapag nalalaman niyang dumating na mula sa abroad ang kahit sino sa kanyang mga kapatid na lalaki, andun agad siya sa bahay ng kapatid niya. malakas ang pang amoy niya sa dollar at alam niya kung magkano ang palitan nito oras-oras man itong magbago sa merkado.
marami pa siyang talents, sa katunayan, pwede siyang sumali sa talentadong pinoy. yung iba, censored na ayon kay Ka Nora.
yup. si inday. short for Ma. Teresa Tomines Rafol. short for my beloved cute adorable industrious and cunning mum (naks! cunning daw oh!) short for-- wala basta, short. short siya eh. na-short sa tangkad.
bastos man akong anak at suwail, palamura at disgrasyada, bobo at walang KARISMA, kahit ano pa ang mangyari, anak pa rin ako ni Inday. si emoterang Inday, NANAY KO YAN.
LOVE YOU MA..
(picture of Inday and her apo, Bendy)